Tuesday, 31 March 2015

Unos



ni Marily  Sasota Gayeta

Narinig niya sa aandap-andap   na radyo
Ang paparating na  malakas na bagyo
Sa mataas na lugar, lahat ay dapat  ay umahon
Walang dapat manatili sa peligrosong  nayon .
Ang unos na padating, wala raw sasantuhin
Kaya’t paglikas, dapat nang madaliin.

Kaya’t ang  babae, nagsimulang maghakot
Ng kanyang kayamanang  kakarampot   
Ang maliit na radyo, ilang  pirasong damit  at kumot
Baso ,  pinggan at kalderong  pingot.
Malakas  na hangin nagdadala    ng takot
Ungol nito ay nakapanghihilakbot .

Maya-maya 'y dumating  ang asawang batugan
At  nang walang nakitang pagkain para hapunan
Ang babaeng  naghahakot  ang siyang pinagbuntunan
Mukha’y nakabusangot at yamot na yamot
Magdudulot na naman sa kabiyak ng bangungot
Ang babae , hinila sa buhok , sinampal , sinuntok .


Sa labas , ang hangin ,palakas nang palakas
Animo’y  halimaw  na  umaangil at humaharibas
Ang langit , parang higanteng banga
Na nagkalamat at  nabiyak sa gitna
Lumugwak , bumagsak   ang tubig  na  ka-dagat  ,
Binabali,tinatangay , nilulunod   ang lahat .

Sa loob ng dampa , tuloy ang kakaibang bagyo
Hagupit ng  bisig ,  bigwas  ng kamao  
Ang panaghoy  ng  babae ,nakapapangilabot
Matinding pambubogbog  na kanyang inaabot
Bisig at kamaong matindi pa sa kalikasan
Paano niya ito  malalampasan .

Nahablot ng babae  ang  kalderong laging walang laman  
At  hinarap  ang kabiyak  at malupit na kalaban  
Na ngayo’y may  kamaong muling   nakataas
Ngunit bago niya ito muling naiigkas ,
Hinambalos  siya ng babae  nang buong lakas
 Buhay ng lalaki, noon din ay nagwakas.



Nangatog sa takot, tuyot niyang  katawan
Batas  ng lipunan , siya’y  uusigin  at parurusahan .
Nang biglang rumagasa ,  tubig na hindi inaakala
At pinunit ang  ang maliit  na kulungang    dampa
Ang babae , nagkunyapit sa  natitirang  amba
Habang ang lalaki’y tinangay ng maitim na baha .


Nakapangingilabot  ang  panaghoy  at hiyawan
Ng mga taong natangay sa  laot  at sa kawalan
Paghingi ng tulong , siyang ipinagsisigawan
Upang buhay nila’y sakaling madugtungan.
Patuloy ang hagupit , ang hampas  ng kalikasan
Ngunit para bang  ang Diyos , nagbingi-bingihan .

Kinabukasan , pag kalma ng kalikasan
Si haring araw, muling nasilayan .
Kahit saan mga  mata’y tumingin
Mapapausal ng “ Diyos na mahabagin !”
Puno man o bahay , lahat nakadapa
Sa matinding pagkakasalanta .



Ang babae’y  nagpunta malapit sa barangay  
Kung saan  dinala  ang mga bangkay
Nilapitan siya ang  ng kapitan at iniabot ang kamay  
Kanyang  ramdam ang pakikiramay nitong tunay
Ikinalulungkot ko, usal nito  , nasawi ang asawa mo
Nang siya’y tinangay, maaring nahampas ang ulo.


Tinanggal  ng  ginang ang takip na pahayagan   
Ang  putikang  bangkay, kanyang natunghayan  
Nakangangang  sugat  sa noo ay  tinitigan
Di maiwasang siya’y matakot  at  kilabutan.
Malupit na kamao’y nakaikom pa rin
Para bang handang siya’y  muling buntalin .

Tumulo ang luha  ng  babaeng kababalo
Siya lang ang nakakaalam ng kahulugan nito
Pilit na ikinubli ang  paghinga nang malalim
Siya at ang unos , may alam na lihim
Krimen na  di maiwasan , tila ba  hinugasan
Nang malupit at  maunawaing inang  kalikasan .

Disyembre  2013







Thursday, 26 March 2015

Maasim na Ubas


ni Marily Sasota Gayeta

Dahil hindi ako graduate ng UP, La Salle o Ateneo ,
Ang sasabihin ko ,
Wala naman 'yan sa  pangalan  ng eskwelahan
Kundi sa kung ano talaga ang natutunan

Dahil wala sa akin ang kagandahan ni Gretchen Bareto
Sasabihin kong pinaglalaruan lang nya si Cojuanco
Isa siyang  malanding  kerida na di dapat pamarisan
Ng  mga kabataan , lalo’t kababaihan .

Dahil hindi ako matalino tulad ni Miriam Santiago
Sasabihin kong  baliw siya at 
Magaling lang siyang  magpatawa
Siya’s dapat nasa pelikula  at hindi sa pulitika .

Dahil hindi ako sikat tulad ni Kris Aquino
Sasabihin kong  kawawa siya
 dahil malas siya  sa  tunay na pagsinta
Aanhin nya ang katangyagan at   pera  ?

Dahil hindi  ako mayaman tulad ni Henry Sy
Sasabihin kong sa diyablo galing  ang  maraming salapi
Sasabihin kong biyaya ang kahirapan
At si Henry ay di  makapapasok sa kalangitan


Dahil wala akong visa papuntang Amerika
Sasabihin kong  mahal ko ang aking bansa
At dito’y maligayang mamumuhay kahit dukha
Hindi ipagpapalit sa  bansang marangya .


Ngunit ,sandali ! Di ba’t  halatang- halata ?
Inggit ang ugat ng maaanghang kong salita
Lahat ng meron sila , ako nama’y wala
Nagpupuyos ang damdamin sa buhay  kong  salat sa  biyaya .










Makata


( Para kay Michael Christian Martinez , ang nag-iisang Filipinong              atleta sa 2014 Sochi Winter Olympics  )

ni Marily Sasota Gayeta



Isa kang makatang hindi nagsasalita
Gamit ay galaw  , sa halip na kataga .
Sa tiklada ng walang kamatayang musika
Iyong ikinuwento ang walang kamatayang pag-ibig
ni Juliet at ng  kanyang si Romeo.


Isa kang humihingang tula .
Ang iyong tindig , di ba’t iyan ang iyong  pantig ?  
At bawat galaw  mo’y  tumugma 
Sa isang pag-ibig na isinumpa .


 Napakagarang lirika ng balingkinitan mong katawan
Lakas at lamyos ---- saktong  kabalintunaan.
Tayutay ang  bawat  kampay ng iyong mga kamay .
Napakagandang pagtutulad : ikaw at paru-parong lumilipad.


Hinaplos  mo  ang puso ng banyagang manonood
Habang ikay ay gumagalaw nang walang pagod.
Pagmamalabis bang sabihing  pinag–apoy mo ang pakiramdam
Ng malayong bayang  sa karangalan ay umaasam ? 

Isa kang  gumagalaw na tula .

Sirko  .
Talon.
Ikot .
Liyad .
Unat .
Yuko.


Salamat sa iyo, makisig na   binata
Isa kang  kakaibang makata.
Pinaligaya mo ang iyong bansa
Na nauuhaw sa magandang  balita.



                             





Bertang Kubeta


ni Marily Sasota Gayeta

( Babala :  Ito'y  hindi para sa mahihina ang sikmura ! ) 



Bertang Kubeta ang tawag sa kanya  
Tagalinis ng kubeta sa Avenida . - 

Bitbit ang balde , tabo  at eskoba 
Mahabang patpat  at gomang pambomba
Chlorox ,  sabon na  powder at  bareta
Sinimulan  ang masayang  araw nya  
Pinuno ng tubig , dram na kalawangin  
At paraiso ‘y  sinimulang linisin.

Sa isang partisyon, tumambad sa kanya  ,
Sukang galing sa sikmura ng iba  
Kanin , isda , manok , kape  at  gatas
Mais , tinapay , kendi at iba pang katas  .
Si Berta , gamit  ang  lumang pahayagan  
Malapot na suka , kanyang pinunasan .

  
Isinunod ang baradong kubeta  
Nakasusulasok sa ilong at mata  .
Hawa-hawak   ang payat na kahoy 
Sinundot- sundot ang barang   impiyerno  ang amoy  
Ihi at tae , tumilamsik sa kanya 
Lintik na bara ,  natunaw din    pagdaka .

May pumasok na tatlong  tao
Ang isa’y  dumahak ng sandamakmak .
Ang isa’y suminga , ibinuga ang berdeng plema  
Ang isa’y pilit na  pinigil ang utot
Ngunit sumambulat din angot .   
Si Bertang Kubeta,  sa narinig ay tatawa-tawa !


Ala-una  na pala!
Tumigil muna itong si Bertang Kubeta
Naghugas  ng  mga kamay , gamit ang sabong bareta 
Tapos ay pasalampak na umupo sa may pinto
At buong sarap na   nanilantakan  ang munting tanghalian  
 Na kaning tutong , kamatis at tuyo.  







Singkwenta

ni Marily Gayeta




Malapit na pala akong mag-singkwenta .
Parang sibat na dumaan ang panahon.
Lilipas na pala ang limang dekada ?
Ako ay may tanong , ako’y may kaba .
Sa buhay kong mortal 
Ilang taon pa kaya ang natitira ?


Gatla  sa mukha , uban sa bumbunan ,
Ala-ala  ng mga pinagdaanan.
Mas madalas na paghingal at pagkalimot ,
Katawang masakit at makirot,
Mga iniinom na gamot.
Buhay ba’y malapit nang mapagot ?



Ngunit di ba’t may bagong kasabihan ngayon ?
Na ang singkwenta ay ang  bagong treinta ?
Bagong yugto , bagong kabanata
Ngayon pa lamang  magsisimula.
Kung ang panahon ko ay  sapat ,
Gagawin ko ang tama at  dapat.



Itutuloy ang mga tuwid na  gawa .
Magbibigay sa iba ng biyaya.
At pagtulong ay magiging kusa.
Iisipin ang mga pagkakasala.
Itatama  ko ang mga pagkakamali
Ngunit sa pagsisisi’y hindi magpapatali.






Patatawarin ko ang sarili ko
Sa mga kasalanang nagawa ko
Paumanhing  hindi naibigay
Igagawad ko sa mga kaaway.
Pag-ibig na hindi naibunyag
Lakas loob kong ihahayag.



Mga kaalamang  ako’y salat .
Mga aklat na hindi ko  nabuklat.
Mga tulang hindi ko naisulat.
Mga larawang hindi ko naipinta
Mga awit na hindi ko nakanta.
Mga lugar na hindi ko pa nakita.


Lahat nang  iyan.
Kung ang oras ko ay hindi pa kapos
Gagawin ko nang buong saya’t lubos.

















Bagong Pag-ibig


ni Marily Gayeta 



1.
Huwag nating panghinayangan
Ang mga nagdaang pag-ibig.
Minahal natin sila
At minahal nila tayo .
At sa piling nila , minsa’y lumigaya tayo.
Salamat pa rin sa mga pag-ibig na iyon
Pero tapos na  sila.
Ngayo’y tayo naman.

2.
Salamat  sa pangalawang pagkakataon.
Buti na lamang at ang puso' y muling  nakababangon
Kahit masugatan , marunong bumawi.
Kahit mawasak , nabubuong muli.
Magpasalamat na lang tayo
 Ang pag-ibig  ay hindi naman timpalak ng takbuhan
Hindi  mahalaga   kung  sino ang nauna

Kundi kung  sino ,ang sa huli'y siyang kasama. 

3.
Huwag kang mag-alala
 Hindi na tayo mga  kabataang
Iibig  nang biglaan, parang apoy sa  pusok
At tapos ay  maglalahong parang usok
Ang pag ibig natin ngayo'y  parang banayad  na hangin
 sa maalinsangang hapon sa tag- araw
Na nagdadala ng malumanay na kaligayahan
 na gumagapang sa aking ugat , sa aking puso

4.
Iba mang mga  mata ang una  nating  tinitigan ,  ayos lang.
 Wala nang ningning  ang mga titig na iyon .  
Iba mang labi  ang una  nating  hinalikan ,  ayos lang .
Lumamig na ang mga labing iyon
May iba mang bisig ang unang yumakap sa iyo, ayos lang.
Kumalas na ang mga bisig na iyon
Kung  di man  ikaw ang unang itinibok ng puso ko ,
Isinusumpa ko
Para sa iyo  naman   ang   mga natitirang   pintig nito.

2014








Solilokiya ni Haring Oedipus ( isang adaptation )

ni  Marily Gayeta




Bugtong.
Ang buhay ay isang malaking bugtong .

Nasagot ko ang bugtong !
Nasagot ko nga ba ?   

Sinabi sa Delphi ,
“ Mapapatay mo ang iyong ama ! ”
“ Mapapangasawa mo ang iyong ina! ”
Sa narinig ,  ako’y  nagitla 
Sapagkat ang  hula   sa Olympus   nagmumula.
Ako’y   tumalilis
Upang  ang propesiya  ay  maiwasan  .
“ Hindi ‘yan mangyayari  !
Ako ang gagawa ng aking kapalaran!
At hindi ang mga diyos sa kalangitan .

Ako’y  naglakbay , patungo sa kawalan
At sa mga nag- krus na daan
Nagkaroon ng sagupaan 
Isang pulutong ang  aking  nagapi
Kasama na ang hambog nilang  hari .

Isang halimaw ang sumunod  na hinarap  
Kalahating lion ,  kalahating ibon
Isang halimaw na nagtatanong
Winawakasan ang buhay  ng taong  di makatugon .
 “  Aling nilalang ang sa umaga’y apat ang paa ,
Sa hapon naman ay dalawa
At sa gabi  ay  tatlo ? ”
Ako ,  si  Oedipus , ay nagwika
“ Ano pa nga ba , kundi  ‘tao! ‘ ”
Isang  tugon  , isang maikling tugon na nagpalaya
Sa Thebes mula sa  madugong  tanikala .
Bugtong ng halimaw  ay  aking  nasagot
Ngunit bugtong ng buhay ko’y  mas masalimuot .


Balong reyna ang Thebes , aking  pinakasalan
At pinamunuan  ang kanyang kaharian  .
Nagmahalan ng tapat , nagkasupling ng apat.
Kaligayahan ay  walang pagsulingan.
Malagim na propesiya , akin  nang kinalimutan.



 Ngunit , ano ito ?
Panibagong  salot !
Nangamamatay : taniman , hayop 
at sanggol sa sinapupunan .
Kaharian ko’y  muling natakot
Salot ay hindi raw mapapawi
Hanggat walang katarungan
Sa pagkamatay ng unang  hari.
Kanyang labi’y natagpuan
Sa krus na daan.

Ang bulag na si Tereisias
Ako’y pinararatangan !
Ikaw , Haring Oedipus , ang sanhi ng kamalasan !
Bulag na lapastangan !
Iyan ba’y  iyong mapatutunayan ?

Hinalughog ang nakaraan .
Binalikan ang kasaysayan .
Umalingawngaw ang mga tanong
Ang kalansay na nakabaon , ngayo’y muling nagbangon.
Unti-unti, lumantad ang  malagim na katotohanan
Ako’y  ampon lamang ng mga magulang na aking  tinakasan !
Ngunit ang aking  dugo at laman , Thebes ang pinag-ugatan.
Si Haring Laius ang aking  ama  ! At ako ang pumatay sa kanya !
Si Reyna  Jocasta ang aking  ina ! At napangasawa ko siya !
At nagka-anak kami  ng apat . Mga kaawa-awang supling !
Anak ? o Kapatid ?
Kapatid ? o Anak ?


Ahh ! Tinakasan ko ang  hula
Para lamang lalong mapalapit sa  aking tadhana ?
Iniwan ang bayang kinalakihan
Tinalikuran ang ama’t inang kinagisnan
Para lamang mapatay ang ama
at pakasalan ang inang  pinagmulan ?

Bakit kumaiwas-iwas man ako ,
Hindi nabago  ang itinakdang buhay ko ?  

Sa  Olympus ba ay may palabunutan
Kung sinong tao ang bibiyayaan 
At kung sino ang pagkakaitan ?
Paano ba tinutukoy   ng mga diyos
Kung sino ang magiging maligaya
At kung sino ang magdurusa ?  

Ako si Oedipus , masdan nyo !
Binulag ko ang sarili ko !
Sa mula’t mula nama’y  bulag ako 
Sa katotohanan ng buhay ko.

Ako’y matalino .
Bugtong ng halimaw  ay  nasagot ko.
Ngunit  sa bugtong ng buhay ko
Nananatiling  mangmang ako .

Ako si Haring Oedipus
‘Yan ang  kasaysayan  ng aking  pakikidigma
Laban sa  tao ,halimaw , at tadhana  .

Tinalo ko ang tao.
Tinalo ko ang halimaw.

Tinalo ako ng tadhana .




Huwag



ni Marily Sasota Gayeta



1
Huwag mong bilangin ang mga Pasko
na hindi  mo kasama ang pamilya mo,
at sisikip lamang  ang didbdib mo .
Mga ngiti  nila sa labi, masdan mo.  
Pasasalamat ay   pakinggan mo
nang  makita ang   padala mong regalo .

2
Malayo ka sa  inang malambing.
Ito’y huwag mong  isipin ,  huwag mong   pansinin.
Isipin mo  ay ang mga  gabing
 nakatulog siya  nang mahaba’t   himbing
dahil naibili mo ng gamot
mga daliri’t  tuhod nyang  kumikirot.


  
3
Mga araw na ika’y  malayo
sa ‘yong  minamahal na   kabiyak ng puso
Bilangin mo’t  puso’y  magdurugo .
Bagkus , isipin mo ang mga pangako ,
mga pangarap nyong binubuo  
kapalit ng layo , lungkot at siphayo.


4
Di mo narinig , unang halakhak.
Di ka rin  nakabati’t nakapalakpak  
nang parangalan  ang ‘yong anak.
Limutin ito,  kundi’y luha’y papatak
isipin ang  nabili nyang  aklat,
ugat ng  pagtalino at pagkamulat .


5
Ang mga araw na may sakit  ka
Ang mga  sandaling  nasa panganib ka  
Kalimutan  na , pati ang  kaba
Ngayon, sila ay hindi na  nangangamba
Dahil ang bubong   ay maayos  na
At ang  mga  bintana  ay may rehas na.


6 
Dapat mo pa bang   balik-balikan  
Ang  layo , ang  milya-milya nyong pagitan?
Hindi mo nga  ba sila mahagkan  ?
Habang iniisip ,  lalong  masasaktan .
Di  ba’t lugar na   napapasyalan  
Lumawak ang  isip at   ang  kaalaman?

7
Huwag  ka nang  malumbay , kababayan
Na sa  malayo  ay nakikipaglaban
Sa puso’t isip  iyong tandaan
Sa huli , kayo  nama’y  may makakamtan
Kapalit ng iyong  kalungkutan
Ay mas mabuting buhay at karanasan.



Disyembre    2013