ni Marily Gayeta
1.
Huwag nating panghinayangan
Ang mga nagdaang pag-ibig.
Minahal natin sila
At minahal nila tayo .
At sa piling nila , minsa’y lumigaya
tayo.
Salamat pa rin sa mga pag-ibig na
iyon
Pero tapos na sila.
Ngayo’y tayo naman.
2.
Salamat sa pangalawang pagkakataon.
Buti na lamang at ang puso' y muling nakababangon
Kahit masugatan , marunong bumawi.
Kahit mawasak , nabubuong muli.
Magpasalamat na lang tayo
Ang pag-ibig ay hindi naman timpalak ng takbuhan
Hindi mahalaga kung sino ang nauna
Kundi kung sino ,ang sa huli'y siyang kasama.
3.
Huwag kang mag-alala
Hindi na tayo mga kabataang
Iibig
nang biglaan, parang apoy sa pusok
At tapos ay maglalahong parang usok
Ang pag ibig natin ngayo'y parang banayad na hangin
sa maalinsangang hapon sa tag- araw
Na nagdadala ng malumanay na
kaligayahan
na gumagapang sa aking ugat , sa aking puso
4.
Iba mang mga mata ang una nating
tinitigan , ayos lang.
Wala nang
ningning ang mga titig na iyon .
Iba mang labi ang una
nating hinalikan , ayos lang .
Lumamig na ang mga labing
iyon
May iba mang bisig ang unang yumakap
sa iyo, ayos lang.
Kumalas na ang mga bisig na iyon
Kung di man ikaw ang unang itinibok ng puso ko ,
Isinusumpa ko
Para sa iyo naman ang mga natitirang
pintig nito.
2014


No comments:
Post a Comment