Thursday, 26 March 2015

Makata


( Para kay Michael Christian Martinez , ang nag-iisang Filipinong              atleta sa 2014 Sochi Winter Olympics  )

ni Marily Sasota Gayeta



Isa kang makatang hindi nagsasalita
Gamit ay galaw  , sa halip na kataga .
Sa tiklada ng walang kamatayang musika
Iyong ikinuwento ang walang kamatayang pag-ibig
ni Juliet at ng  kanyang si Romeo.


Isa kang humihingang tula .
Ang iyong tindig , di ba’t iyan ang iyong  pantig ?  
At bawat galaw  mo’y  tumugma 
Sa isang pag-ibig na isinumpa .


 Napakagarang lirika ng balingkinitan mong katawan
Lakas at lamyos ---- saktong  kabalintunaan.
Tayutay ang  bawat  kampay ng iyong mga kamay .
Napakagandang pagtutulad : ikaw at paru-parong lumilipad.


Hinaplos  mo  ang puso ng banyagang manonood
Habang ikay ay gumagalaw nang walang pagod.
Pagmamalabis bang sabihing  pinag–apoy mo ang pakiramdam
Ng malayong bayang  sa karangalan ay umaasam ? 

Isa kang  gumagalaw na tula .

Sirko  .
Talon.
Ikot .
Liyad .
Unat .
Yuko.


Salamat sa iyo, makisig na   binata
Isa kang  kakaibang makata.
Pinaligaya mo ang iyong bansa
Na nauuhaw sa magandang  balita.



                             





No comments:

Post a Comment