Thursday, 26 March 2015

Singkwenta

ni Marily Gayeta




Malapit na pala akong mag-singkwenta .
Parang sibat na dumaan ang panahon.
Lilipas na pala ang limang dekada ?
Ako ay may tanong , ako’y may kaba .
Sa buhay kong mortal 
Ilang taon pa kaya ang natitira ?


Gatla  sa mukha , uban sa bumbunan ,
Ala-ala  ng mga pinagdaanan.
Mas madalas na paghingal at pagkalimot ,
Katawang masakit at makirot,
Mga iniinom na gamot.
Buhay ba’y malapit nang mapagot ?



Ngunit di ba’t may bagong kasabihan ngayon ?
Na ang singkwenta ay ang  bagong treinta ?
Bagong yugto , bagong kabanata
Ngayon pa lamang  magsisimula.
Kung ang panahon ko ay  sapat ,
Gagawin ko ang tama at  dapat.



Itutuloy ang mga tuwid na  gawa .
Magbibigay sa iba ng biyaya.
At pagtulong ay magiging kusa.
Iisipin ang mga pagkakasala.
Itatama  ko ang mga pagkakamali
Ngunit sa pagsisisi’y hindi magpapatali.






Patatawarin ko ang sarili ko
Sa mga kasalanang nagawa ko
Paumanhing  hindi naibigay
Igagawad ko sa mga kaaway.
Pag-ibig na hindi naibunyag
Lakas loob kong ihahayag.



Mga kaalamang  ako’y salat .
Mga aklat na hindi ko  nabuklat.
Mga tulang hindi ko naisulat.
Mga larawang hindi ko naipinta
Mga awit na hindi ko nakanta.
Mga lugar na hindi ko pa nakita.


Lahat nang  iyan.
Kung ang oras ko ay hindi pa kapos
Gagawin ko nang buong saya’t lubos.

















No comments:

Post a Comment