Thursday, 26 March 2015

Huwag



ni Marily Sasota Gayeta



1
Huwag mong bilangin ang mga Pasko
na hindi  mo kasama ang pamilya mo,
at sisikip lamang  ang didbdib mo .
Mga ngiti  nila sa labi, masdan mo.  
Pasasalamat ay   pakinggan mo
nang  makita ang   padala mong regalo .

2
Malayo ka sa  inang malambing.
Ito’y huwag mong  isipin ,  huwag mong   pansinin.
Isipin mo  ay ang mga  gabing
 nakatulog siya  nang mahaba’t   himbing
dahil naibili mo ng gamot
mga daliri’t  tuhod nyang  kumikirot.


  
3
Mga araw na ika’y  malayo
sa ‘yong  minamahal na   kabiyak ng puso
Bilangin mo’t  puso’y  magdurugo .
Bagkus , isipin mo ang mga pangako ,
mga pangarap nyong binubuo  
kapalit ng layo , lungkot at siphayo.


4
Di mo narinig , unang halakhak.
Di ka rin  nakabati’t nakapalakpak  
nang parangalan  ang ‘yong anak.
Limutin ito,  kundi’y luha’y papatak
isipin ang  nabili nyang  aklat,
ugat ng  pagtalino at pagkamulat .


5
Ang mga araw na may sakit  ka
Ang mga  sandaling  nasa panganib ka  
Kalimutan  na , pati ang  kaba
Ngayon, sila ay hindi na  nangangamba
Dahil ang bubong   ay maayos  na
At ang  mga  bintana  ay may rehas na.


6 
Dapat mo pa bang   balik-balikan  
Ang  layo , ang  milya-milya nyong pagitan?
Hindi mo nga  ba sila mahagkan  ?
Habang iniisip ,  lalong  masasaktan .
Di  ba’t lugar na   napapasyalan  
Lumawak ang  isip at   ang  kaalaman?

7
Huwag  ka nang  malumbay , kababayan
Na sa  malayo  ay nakikipaglaban
Sa puso’t isip  iyong tandaan
Sa huli , kayo  nama’y  may makakamtan
Kapalit ng iyong  kalungkutan
Ay mas mabuting buhay at karanasan.



Disyembre    2013

No comments:

Post a Comment